Huwebes, Pebrero 24, 2011

Pananabik sa Tag-init

Basahin ang kwentong ito sa The Kablogs Journal Issue 12




"A lot of times, what we pray for takes a while to come. In these situations we can know that we have faith when we have the patience to wait. We should have the same patience for everything we believe God for.." -Anonymous

Pebrero 28, 2011.

Maaaga akong gumising sa araw na ito. Nakangiting bumangon kahit na nangangatog sa lamig. Kinuha ko ang pulang panulat at tumungo sa kalendaryong nakasabit sa dingding. Minarkahan ng ekis ang numero 28. Ngunit napakunot noo ako at nagtaka.

"Nasaan na yun?", mahinang bulong ko sa sarili.

Kinakabahan na baka pinaglaruan ako ng maligno at inalis nila ang hinahanap ko. "

Ay tanga, wala nga palang 29 at 30 ang Pebrero", napangiti ako ulit habang kinukusot ng bahagya ang likurang bahagi ng ulo.

 "March 01 na pala bukas!, Tag-init na!". "Yahoo! uuwi na ako sa wakas!", sigaw kong malakas sabay lundag sa kamang hinigaan.

Tumalon-talon hanggang mapagod, bumagsak sa kama ngunit nakangiti pa din sa labis na pananabik sa pag-uwi.

Makalipas ang sandali tumungo na din ako sa palikuran. Ibinuhos ang lahat ng sama ng tyan at pantog. Ang sarap, magaan sa pakiramdam. Kasinggaan ng pakiramdam ng matapos ko ang aking kontrata sa trabaho. Ang totoo nyan, may kontrata pang nakaabang kapalit ng luma kong kontrata. Ngunit tinanggihan ko na iyon. Gusto ko ng umuwi ng Pinas. Maramdamang muli ang ihip ng hangin mula sa dalampasigan. Kumain ng manga, matikman muli ang luto ni Inay, makalaro ang mga batang makukulit na si Boyet at Danica, umakyat sa puno ng buko, ipastol si kalakian at pumasyal sa plaza kasama si Maria.

Mahigit sa 3 taon na din ako dito sa Italy. Halos nasanay na nga din ako sa klima dito. Iba ang kultura pero mababait naman ang mga Italyanong nakasama ko sa trabaho. Ang totoo nyan, sanay na ako sa takbo ng buhay dito, ibang-iba sa Pilipinas. Kung tutuusin malayong-malayo ang ekonomiya ng Italya kumpara sa Pinas. Higit na magaan ang takbo ng buhay dito pero hinahanap-hanap ko pa din ang buhay sa Bayan ni Juan. Para akong batang umalis at namasyal sa mall. Kumain ng masasarap sa mga fastfood.  Naglaro at naglibang. Ngunit sa kabila ng mga kasiyahang iyon, naiinip din ako at hinahanap ang kinagisnan-- ang aming bahay, ang Pilipinas.

Ilang minuto ang nakalipas, lumabas na din ako ng palikuran. Dumiretso sa pinaghigaan. Naupo. Yumuko ng bahagya at kinapa ang maletang puno na ng alikabok. Hinaltak ito palabas sa ilalim ng kama.

"Ang dumi mo na, pero wag kang mag-alala uuwi na din tayo.", nakangiting kinakausap ang maleta habang pinapagpag ito.

Limingon ako sa kanan, sinipat ang laptop.  Dali-dali kong binuksan iyon at muling binalikan ang ilang mga larawan sa masaya kong pananatili sa Pilipinas noon. Pinagmasdan ko ang larawan ng dalawang taong magkaakbay habang naglalakad sa tabi ng dagat.  Nakangiti silang dalawa, bakas ang kasiyahan at galak sa puso ng dalawa.  Napangiti din ako.

"Bukas, Maria magkikita na din tayo at hindi na kita iiwan kahit kailan.", mahinang bulong ko sa sarili.

Click.

"Ang saya naman nila. Sana nandun din ako.", sinasabi ko sa isip habang pinagmamasdan ang mga larawan ng mga taong kumakain sa ilalim ng kubo sa may dalampasigan.

Sina Itay, Inay, ang dalawa kong makukulit na kapatid na sina Boyet at Danica, at ang pinakamamahal kong si Maria, sila ang mga dahilan ko kung bakit iiwan ko ang magandang buhay dito sa Italy. Aanhin ko ang magandang buhay dito kung hindi ko naman kapiling ang mga dahilan ng pagngiti ko sa araw-araw.  Kaunting tiis na lang makakasama ko na din kayo.

Mula sa pagkakaupo, muli akong nahiga. Pumikit. Inisip ang ganda ng dalampasigan. Dinama ang ihip ng hangin sa kabila ng init sa katanghaliang-tapat . Inilarawan sa isip ang masayang paglalaro ng aking dalawang kapatid habang nakikita si Maria sa gilid ng kubo na nakatunghay sa dalawa at tuwang-tuwa sa kulitan nila.  Sa tabi ng dagat, makikita sina Itay at Inay na nakaupo habang masayang pinagmamasdan ang mga ibon. na kumukuha ng pagkain sa dagat Lalapit ako kay Maria at hahagudin ang kanyang malambot na buhok.  Aakbay sa kanya at iaabot ang aking kamay. Aaakma akong isasayaw sya sa saliw ng musika ng hampas ng alon sa dalampasigan.  Ngingiti si Maria at yayakap ng buong higpit. Bibitiw ako at doon ko sya hahagkan ng buong pagmamahal at pananabik.

Kruuuuuuggg...kruuugggg...

Nagulat ako sa ingay ng aking sikmura. Napatitig sa orasan.  Ala-una pasado na pala. Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako ulit. Dagli kong tinungo ang kusina. Mabilis na nagluto.  Kumain. Iniayos ang mga gamit sa maleta.  At nang matapos ang lahat ng iyon, bumalik muli ako sa pinaghigaan. Tinitigan ang orasan.  Binantayan.  Baka may mga malignong luko-luko at pahintuin ang pagpitak nito.

Nakangiti. Naiinip pero handang maghintay.

"Pilipinas, humanda ka! Babalikan ka na ni Angelo! Hayaan mo akong damhin muli ang saya sa tag-init na iniaalay mo sa nanabik kong puso."

Linggo, Pebrero 20, 2011

The True Story of Manny "Pacman" Pacquiao

Tama ito nga yun... nice nice...

May asim pa si mommy -- Coach Freddie Roach
May toyo ka ata! --Mommy Dionisia



tpos ang sabi.. Manny Pacquiao uses steroids?
Totoo nga... ahehehe... :)

Nonito Donaire Knocks Out Fernando Montiel

Alam ko gusto ninyo ulit itong makita.. kaya ito na! woaaah! Nonito Donaire won a TKO victory over Fernando "Cochulito" Montiel in Second Round and became the New WBC/WBO bantamweight Champion 2011. Congratulations Nonito "The Filipino Flash" Donaire!


Biyernes, Pebrero 18, 2011

...Puting Damit...

[Paalala: Ang akdang ito ay kathang isip lamang ng may-akda. Anumang bahagi na may pagkakahawig sa tunay na buhay at iba pang kwento ay hindi sinasadya. Pinapaalalahanan ang lahat na mayroong ilang bahagi sa akdang ito na lubhang maselan sa mga batang mambabasa. Patnubay ng magulang ay kailangan]

Hindi pa ganap na nakakasikat ang araw, suot ko na naman muli ang paborito kong puting damit. Tangan ang istetoskop (stethoscope), pluma at piraso ng papel, sinimulan ko ng umikot sa buong pasilidad. Oo! Duktor ako. Ngunit hindi tulad ng ibang duktor, mga taong wala sa pag-iisip o mga taong tinakasan na ng katinuan ang ginagamot ko. Matagal na din ang panahon ang lumilipas mula ng ako ay pumasok sa lugar na ito. May mga napapagaling din ngunit hanggang sa ngayon marami pa din sa kanila ay nandito na bago pa man ako dumating. Alam na alam ko na ang kwento ng bawat isa kanila. Sa totoo lang napamahal na din ako sa kanila at sa palagay ko maging sila din ay mahal din ako. Sa katunayan may isang pasyente nga na napagaling ko na ngunit tumanggi syang lumabas. Hindi nya daw ako iiwan hanggang sa magretiro na ako bilang duktor.

"Kamusta na ang pasyente ko?", tanong ko kay Pedring.

"Dok, huwag kang maingay, baka magising si Tagpi. Alam mo dok, natuto na syang lumipad ngayon. Si Muning naman, tignan mo oh, ang galing na nyang lumangoy", pagmamalaki ni Pedring.

"Oo nga no?, Pero tumatahol pa din ba si Tagpi? Eh si Muning hindi ka na ba kinakalmot?", tanong ko ulit kay Pedring.

"Hindi na dok, mabait na sila ngayon!", ani ni Pedring.

"A sige akin na muna sila, uminom ka muna ng gamot ha?", muli kong sabi sa kanya habang inilalayo ang salagubang at ang buteteng lumalangoy sa plastik.

Ganito ang buhay dito. Kailangan mong intindihin ang bawat pasyente. Huwag ka ng magtangkang salungatin sila dahil hindi ka nila paniniwalaan bagkus ipagdidiinan ng mga iyon na ikaw ang mali. May mga imahinasyon ang mga pasyente na sila lang ang nakakaintindi, kailangan mo silang intindihin.

Pumunta ako sa paborito kong pasyente. Si Mark Reyes. Siya ang pasyenteng paborito kong kausapin dahil lahat ng sama ng loob ko sa buhay, sa trabaho, lahat ay nasasabi ko kanya. Katulad ng pag-aalaga ko sa kanya noon, matiyaga nya akong pinakikinggan. Sabi nga nya,

"Dok, ganun talaga ang buhay kailangan nating sumunod sa agos, kailangan nating maging matatag. Basta nandito lang ako sa tabi mo, hindi kita iiwan hanggang sa magretiro ka na bilang duktor."

Nagpaalam ako sandali kay Mark upang asikasuhin ang bagong pasok na pasyente. Isang lalaking nasa edad 40-50 na halos kapigura ng aking ama. Nagwawala ito at nagmamakawa na huwag ipasok sa aming pasilidad. Nilapitan ko sya at tinulungan ang ilang nurse sa pagpapakalma sa kanya. Matapos iyon, nagpatuloy na ako sa pag-ikot sa lugar.

"Kamusta ka na Edna?", tanong ko.

Hindi umimik ang dalagita bagkus nakangiti sya at tinuturo ang malapot na sipon sa akin ilong. Wala akong mahagilap na panyo kaya nilamukos ko iyon gamit ang kamay. Ngunit sa di sinasadya, may ilang bahagi nito na tumalsik sa kanyang mukha. Biglang nagbago ang kanyang mukha at tuluyan ng umiyak. Niyakap ko sya upang tumahan. Ganito ang mga pasyente, ang iba sa kanila ay nangangailangan ng kalinga, dibdib na masasandalan. Tumahan din si Edna matapos ipunas ang kanyang mukha sa puti kong damit.

Bumalik ako kay Mark at pinag-usapan namin ang bagong pasok na pasyente.

"Alam mo yung bagong pasyente, halos kapareho ng tatay ko", sabi ko sa kanya.

"Bakit? Nasaan na ba ang tatay mo Dok?", tanong nya.

"Hindi ko alam eh, simula ng pumasok ako dito wala na akong balita", muli kong sagot.

"Natatakot nga ako sa kanya eh. Para syang mananakit. Noong nasa bahay pa ako lagi akong pinagagalitan ng tatay ko, kahit wala akong kasalanan. Lagi niya akong sinisi sa pagkamatay ng nanay ko at pinamumukha na hindi nya ako anak. Simula pa pagkabata lagi nya akong sinasaktan tapos si Dan, yung kapatid ko yun ang paborito nya. Lahat ng gusto nun, agad nyang nakukuha. Lahat ng luho nya binibigay ng tatay. Pero ako, kahit nga pagkain halos pagdamutan nila ako. Hindi nga ako pinapayagang sumalo sa kanila. Para akong aso na tira-tira na lang ang kinakain. Maswerte na nga ako kung may tira dahil madalas wala akong makain.

At pag-birthday ni Dan, laging may party sa bahay. Marami syang regalo, maraming laruan. Ngunit ako, wala kahit ano. Madalas pag-birthday ko nasa basurahan ako o di kaya, nagbabahay-bahay...nangangalakal ng basura para kahit papano may masarap akong kainin sa kaarawan ko. Sana nga isang araw sa kaarawan ko may mag-paparty din sa akin, may magregalo ng laruan ng katulad kay Dan.

Alam mo yun si Dan, pinag-aral yun ng Itay sa exclusive school. Pero ako hindi. Kaya nga lahat ng klase ng trabaho noon pinasukan ko para lang makapag-aral at maging Duktor. Habang nagtratrabaho ako, sinikap ko talagang mag-ipon para mabili at maranasan ang mga bagay na hindi ko natikman noong bata pa ako. Sinikap kong punuin ang alakansyang tinago ko sa likod ng aparador para sa kaarawan ko, bibili ako ng laruan, bibili ako ng pagkain.

Hapon na ng kaarawan ko, pagod mula sa trabaho..nakangiti na akong umuwi at sa wakas magagamit ko na ang pera para sa munti kong mga pangarap. Pagpasok ko ng bahay, nakita ko si Dan nakahiga sa Sofa, lasing. Sa pagkakataong iyon, kinabahan na ako. Tinungo ko ang likuran ng aparador, hinanap ang alkansya. Nandun pa din alakansya ngunit wala na ang laman nito, wala na ang pera. Wala na ang pera ng aking mga pangarap. Gumuho ang mundo ko."

Hindi ko na maturuan ng tamang paggalaw ang aking katawan. Tinungo ang kusina, kinuha ang kutsilyo at dagli ko itong itinarak kay Dan. Paulit-ulit. Kumalat ang dugo sa sahig. Narumihan ang puti kong damit.

Magulo na ang takbo ng utak ko....naiisip ko ang puting damit... ang laruan...ang regalo...ang mga laruan..ang alkansya...ang pera... ang aking kaarawan...ang aking pangarap....

At pagkatapos ng lahat ng ito, natagpuan ko ang aking sarili na nakasuot ng puting damit...pumapalakpak ng walang dahilan habang patuloy ang pagtulo ng laway at sipon na aking nilalamutak paminsan-minsan.

May bago na pala kaming duktor, si Dr. Mark Reyes.

~~***~~
[Edit]
Babanggitin ko na din po pala ito.  Baka kasi makalimutan ko pa. Masyado na akong nagiging makalimutin. Nais kong pasalamatan si Iya Khin sa paghahandog ng FAT Award at si Superjaid  para pos sa pagbibigay ng Stylish Blog Award. At muli, maraming-maraming salamat sa inyo.



Martes, Pebrero 15, 2011

Sistema ng Numero, Sistema ng Tao

Isa sa pinakamahirap kausapin ay ang numero.  Oo, yung mga numbers. Bakit? Minsan kasi hindi ko talaga sila maintindihan.  Pero gusto nyo ba silang makilala? Oh teka, san ka pupunta? Wag mo naman i-close ang browser mo, o kaya pindutin ang [x] button, o kaya naman back button. Sige na, ipagpatuloy nyo na ang pagbabasa, gusto ka din kasi nilang makilala.

Ang numero katulad ng tao ay may iba't ibang uri.  May mga positive at negative.  Meron ding rational at irrational. Meron ding real at imaginary. Ganyan ang numero at ganun din ang tao, may mga taong positibo at negatibo ang pananaw sa buhay.  Meron ding mga taong rational at irrational ang gawi. At may mga taong totoo (real) at taong pangarap lang (imaginary). Ngunit ano nga ba ang numero? Ang sabi ng Wikipedia, "A number is a mathematical object used to count and measure." Kung ganun, object o bagay pala ang numero. Pero ang numero ay hindi nakikita, abstract noun-- isang ideya.  Para sa malinaw na paliwanag, Tignan mo ang susunod na larawan. 

 
Sa mga bilang na nakalarawan. Alin sa mga yan pinakamalaking number? Tama, 9 ang pinakamalaking number. Eh, ano naman ang pinakamalaking numeral? Syempre iyon ay ang 8. Sa simpleng paliwanag, ang nakikita ng ating mga mata ay hindi numbers kundi mga numerals. Kumbaga representasyon lamang ng numbers ang numeral kaya nga may tinatawag tayong Roman Numerals, Hindu-Arabic Numerals, Chinese Numerals, etc.  Pero ang prinoproseso ng ating utak kung saan gumagamit na tayo ng sistema ng pagbibilang (counting), pagsusuma (addition), pagbabawas (subtraction), paghahati (division), at pagpaparami (multiplication) ay numero na at hindi na numerals ang ating nagiging katuwang. Ganyan ang numero, at ganyan ka din.  Hindi ka isang numeral na puro representasyon lang meron kang value, meron kang halaga.

At upang magkaroon ng halaga, kailangan tugma ka din sa sistema.  Yung tipong kung sasabihin mo na ikaw ay 1dapat ikaw ay talagang 1. Yung tipong 1+1 dapat 2 ang sagot. Pero iba na ang sistema ng tao, mapanlinlang at ganun din ang sistema ng numero, maaari kang iligaw sa tunay na katotohanan. Kaya nitong patunayan na ang 1=2, 1=-1, 1+1 = 0. Ganito yun,

[note: Ang susunod na bahagi ay nangangailangan ng kaunting kaalaman sa ElementaryAlgebra] 


Oo, gaya ng sistema ng mga tao, may mga sistema din ang mga numero na mapanlinlang katulad ng inilarawan. Ililigaw ka ng mga ito. At bilang tao na nabubuhay sa masalimuot na mundong ito, may mga sistemang nililigaw ang katotohanan.  Pinipilit gawing tama ang baluktot at handang patunayan iyon sa paraang hindi nauunawaan ng lahat.

Lunes, Pebrero 14, 2011

...Puso ng mga Halimaw...

Basahin ang kwentong ito sa The Kablogs Journal Issue 11




Alas-dose na ng hatinggabi. Payapa ang lahat.

Babasagin ito ng iyak ng ibon mula sa kagubatan. At kasabay din niyong ang sunod-sunod na ungol at alulong ng mga asong gubat.

Nakakapanindig ng balahibo ang sumusunod na eksena. Nagsimula ng bumangon mula sa pagkakahimbing ang mga engkanto, taong lobo, tiyanak, aswang, bampira, tikbalang, manananggal, at iba't ibang nilalang at lamang-lupa upang gumala sa bayan ng San Martin. Gumala upang makasila ng tao o mas mahinang nilalang na maaaring mailaman sa sikmura.

Mula sa masukal na kagubatan, lumabas sa kanyang lungga si Vanessa, ang babaeng ahas. Nakita nya ang batang tikbalang at mabilis nya itong nilingkisan. Mabilis at mahigpit na ipinulupot ang kanyang buntot sa buong katawan ng batang tikbalang. Ilang saglit lang, wala ng buhay ito. Nagsimula na si Vanessa na lurayin ang katawan ng batang tikbalang. Kinain ang mga lamang loob maliban sa puso. Maingat na inilagay ni Vanessa ang puso sa garapong bitbit at mabilis na umalis patungo sa plaza ng bayan ng San Martin.

Sa gitna ng kagubatan, may mga ilang pagyanig na naramdaman malapit sa kastilyong pinamumugaran ng mga bampira. Bumuka ang lupa upang bigyan daan ang paglabas ni Santina. Si Santina ang isa sa mga apo ni Satanas na tumatakas pa mula sa impyerno upang makipagtagpo sa kanyang kasintahan sa ibabaw ng lupa.

Sa loob ng kastilyo, masayang nagdiriwang ang mga bampira maliban kay Benjo. Si Benjo ay ang kasintahan ni Santina na iba din sa pangkaniwang bampira.

"Devon, gisingin mo na nga ang kuya Benjo mo. Sabihin mo, nandito si Santina at hinahanap siya", ani ng kanilang inang si Minerva.

"Mama, hayaan mo na nga yang si Kuya, lagi kasi syang nagpupuyat sa umaga kaya kung magising halos madaling-araw na", padabog na sabi ni Devon.

Iba sa lahat ng bampira si Benjo. Hindi sya umiinom ng dugo ng tao. Tanging dugo lamang ng mga ligaw na hayop ang kanyang nagsisilbing pamatid-gutom at uhaw. Bukod dun may kakayahan si Benjo na maglakad sa ilalim ng sikat ng araw dahil na rin sa kanyang taglay na puso. Sa lahat ng bampira, si Benjo lamang ang may puso.

"Tita Minerva, ako na lang po ang gigising kay Benjo", magalang na sagot ng apo ni Satanas.

"Sige, Santina ikaw na ang bahala", tugon ni Minerva.

Masayang tinungo ni Santina ang kwarto kung saan nakaluklok ang kabaong na nagsisilbing pahingahan ni Benjo. Habang lumalakad sa pasilyo, masayang pinaglalaruan ni Santina ang kanyang buntot na nanabik na muling makasama ang kasintahan.

Inangat ni Santina ang bukana ng kabaong at bahagyang inuyog ang nakahimlay.

"Benjo, gising.", marahan nyang sabi.

Iminulat ni Benjo ang mata at natunghayan ang maamong mukha ng demonyita. Napangiti sya.

"Pasensya na ha? Napuyat kasi ako kaninang umaga sa panghuhuli ng baboy-ramo. Anong oras na ba?", tanong ni Benjo.

"Ummm, mag alas-tres na din ng madaling-araw. Gusto mo mamasyal tayo? Punta tayo sa plaza?", nakangiting yaya ni Santina.

"Sige, pero sandali lang kakain lang ako. Gusto mo bang sumabay?", tanong muli ni Benjo.

Umiling lamang si Santina.

"Ah. Oo nga pala hindi ka pala nakakaramdam ng gutom. Kaya kapag naging mag-asawa na tayo tipid tayo sa paghahanap ng pagkain. Hahahaha!", humahalakhak na sabi ni Benjo.

Makailang saglit lang, matapos makapagpaalam kina Minerva, umalis na ng kastilyo ang dalawang magkasingtahan. Masayang naglalakad sa mapanganib na kagubatan ang dalawa. Hindi nila alintana ang mga nagpapatayang mga halimaw sa paligid at hindi din naman sila ginagambala ng mga ito. Sa kabila ng matindng pagnanais ng mga halimaw na makuha ang puso ni Benjo, hindi nila ito magawa dahil batid nila ang kapangyarihan ni Santina, ang apo ng hari ng kadiliman.

Ligtas na nakarating ang dalawa sa plaza ng San Martin. Tahimik ang buong plaza habang nakatunghay ang liwanag ng buwan. Sa di-kalayuan matatanaw ang simbahan ng San Martin. Tila ba ang buong magdamag sa plaza ay paraiso kina Benjo at Santina. Paraiso para sa mga itinuturing na halimaw ng kapwa halimaw at ng tao. Tumayo si Benjo sa isang mataas na bato sa plaza habang sinisipat ang simbahan. Sumunod si Santina sa kanya.

"Anong tinitignan mo Benjo?", tanong ni Santina.

"Ang simbahan.", maikling tugon ni Benjo.

"Simbahan? Anong meron sa simbahan?", tanong ulit ni Santina.

"Kung magagawa ko lang makalapit at makapasok sa simbahan Santina, gusto kong makapagpakasal tayo dyan. Kung hindi lang ako ganito, kung hindi lang ako bampira, ipahahayag ko sa buong mundo at sa Diyos ang pagmamahal ko sa iyo.", sagot ni Benjo.

"Alam mo Benjo, gusto mo bang pumasok talaga dyan? Gusto mong subukan? Hindi ko lang sinasabi kay lolo na nakapapasok na ako ng Simbahan. Simula ng makita kita at malaman ko na mahal kita, nagawa kong makapasok dyan.", paliwanag ni Santina.

"Ha? Hindi ko alam pero bakit hindi ko nga subukan?", ani Benjo.

"Natatakot ako Benjo. Paano kung mamatay ka sa pagpasok sa simbahan. Hindi ko kakayanin na mawala ka sa buhay ko.", maluha-luhang sabi ni Santina.

"Ok lang ako, para sa iyo, para sa pag-ibig ko sa iyo. magtiwala tayo", sagot muli ni Benjo.

Tumango lamang ang dalaga at sabay na nagtungo sa simbahan. Sa tapat ng simabahan, dahan-dahan lumapit si Benjo habang inaalalayan sya ni Santina. Pero laking gulat nya ng wala syang maramdamang panganib sa kanyang buhay sa paglapit nya sa simbahan. At dahil dun, masaya nilang dalawang tinungo ang altar sa simbahan at nagpasalamat.

Matapos ang ilang saglit, lumabas ang dalawa sa simbahan at bumalik sa plaza. Ang di batid ng dalawa, nakatunghay sa madilim na bahagi ng plaza si Vanessa. Nakita ni Vanessa ang pagpasok at paglabas ng dalawa sa simbahan. Nagtataka kaya masusi silang minatyagan.

"Alam mo Benjo, ang pagkakaroon natin ng puso ang dahilan kung bakit tayo nakakapasok sa simbahan. Ito din siguro ang dahilan kung bakit din tayo nakapaglalakad sa ilalim ng araw.", pahayag ni Santina.

"Oo, yan din ang naiisip ko. Salamat sa Kanya.", sabi ni Benjo

Nadinig ito ni Vanessa at mabilis syang bumalik sa pusod ng kagubatan. Doon, pinaslang nyang lahat ang mga halimaw na may puso at kinuha ito. Bumalik sya sa bayan ng San Martin, naghagilap ng ilang taong masisila upang makuha ang puso na ninais nya para sa dagdag na kapanyarihan.

Sa harap ng simbahan ng San Martin, kinain ni Vanessa ang lahat ng nakalap nyang mga puso at sinubukan nyang lumapit sa simbahan. Dahan-dahan ngunit malayo pa lang ramdam nya ang panganib sa kanyang buhay, unti-unti syang nasusunog kung kaya nagmadali syang lumayo sa simbahan. At dahil sa pagkabigo sa balakin, galit na galit nyang hinagilap sina Benjo at Santina.

"Alas-singko y media na ng madaling araw, ilang oras na lang at susulyap na si haring araw. Kailangan kong madaliin ang paghahanap sa dalawa para maangkin ang kanilang mga puso at kung hindi mahihirapan akong makuha sila", bulong ni Vanessa sa sarili.

Makalipas ang limang minutong paggagalugad sa San Martin, nakita ni Vanessa ang dalawa. At habang nakatalikod ang mga ito, sabay nyang itinarak sa likuran ng dalawa ang kanyang mga kamay upang makuha ang puso ng dalawa. Gulat ang dalawa sa pangyayari at sabay na bumagsak. Nakuha ni Vanessa ang puso nila Benjo at Santina at mabilis nyang kinain iyon. Bagama't hinang-hina ang dalawa dahil sa dami ng dugong nawala, nagawa nilang makatakas at magtago sa liblib na bahagi ng plaza.

Sa kinalalagyan nila Benjo at Santina, kitang-kita nila si Vanessa na nakangiti habang inaabangan ang pagsikat ng araw. Nakangiti si Vanessa na inaabangan ang kanyang kakayahan na makpagbilad sa ilalim ng araw. Ngunit sa pagtama ng sikat ng araw sa balat ni Vanessa, sinunog nito ang kanyang laman. Dinurog ng sikat ng araw ang kanyang buto. Pumapalahaw si Vanessa sa sakit. Natupok. Naabo.

Umiiling lang mula sa malayo ang dalawa. Napabulong si Santina, "Hindi puso Vanessa ang dahilan, kundi pag-ibig!"

Nauubos na ang dugo ng dalawa. Nadarama na nila ang kanilang katapusan. Pero nakangiti sila. Dahil alam nila sa kanilang pagpanaw, may paraisong nahihintay sa tabi ng Amang nakaluklok sa langit.

Martes, Pebrero 8, 2011

Panahon na Naman [ng Pag-ibig?]

Hayyyss! (*hingang malalim, sabay buntong-hininga*) Pebrero na nga. At sa pagtapak nga ng buwang ito sa kalendaryo wala akong ibang masabi kundi, "Panahon na Naman"...


Panahon na Naman by RiverMaya
May, may naririnig akong bagong awitin
At may, may naririnig akong bagong sigaw

Hindi mo ba namamalayan?
Wala ka bang nararamdaman?
Ika ng hangin na humahalik sa atin:

“Panahon na naman ng pag-ibig.
Panahon nanaman. Aahh.
Panahon nanaman ng pag-ibig.
Gumising ka.Tara na.”

Masdang maigi ang mga mata ng bawat tao
Nakasilip ang isang bagong saya
At pag-ibig na dakilang matagal nang nawala
Kamusta na? Naryan ka lang pala.



At sa mabilis na pagdaan ng panahon, hindi mo mamalayan.. ay Pebrero na pala, ay araw na naman ni kupido (*kailan kaya sya papalitan ni Robin Hood?*)... ay pag-ibig nasaan ka na ba? 

Kapatid sa pananampalataya hinahanap mo pa rin ba sya?... si Pag-ibig... Wag kang tanga, ayan lang s'ya oh, nasa harapan mo... kunyari ka pang hindi mo makita... pero ang totoo, natatakot ka... Natatakot ka kaya hanggang ngayon hindi mo magawang iparamdam sa kanya na mahal mo sya. Tsong, parang pagkain lang yan, hindi mo yan malalasahan kung hindi mo titikman. Huwag kang matakot sumubok, huwag kang matakot  masaktan. 

Ano? sasaktan ka ng pag-ibig? Ang tanda mo na naniniwala ka pa sa sinasabi nilang "Love Hurts"? Kalokohan yun. 

Totoong masakit ang mag-isa.  Totoong masakit ang mapagtaksilan. Totoong masakit ang malaman na hindi ka na niya mahal. At totoong masakit iwanan ng minamahal. Pero sinasabi ko sa'yo kahit kailan hindi nananakit ang pag-ibig, hindi nanakit ang pagmamahal. Ang kawalan nito ang sumusugat sa puso, sa ating buong pagkatao.  Pinagtaksilan ka dahil wala na ang pag-ibig, hindi ka na nya mahal dahil wala na ang pag-ibig, at iniwan ka nya dahil wala na ang pag-ibig. Kitam, kahit kailan hindi ka sasaktan ng pag-ibig. Maniwala ka, ito ang bubuo sa'yo, sa iyong buong pagkatao. Bakit?  Dahil, “Love is patient; love is kind and envies no one. Love is never boastful, nor conceited, nor rude; never selfish, not quick to take offense. There is nothing love cannot face; there is no limit to its faith, its hope, and endurance. In a word, there are three things that last forever: faith, hope, and love; but the greatest of them all is love.”

Happy Feb-ibig! Happy Puso! Happy Valentines Day sa Inyo!
Buksan!

Iba pang Kwento!

....langit.lupa.impyerno.... ...Wanted Real Pinoy... #itsmorefuninthephilippines #NBAFinals2014 20 Reasons why I like Philippines over UAE 2010 Philippine Election Inital Results 2010 Philippine Election Initial Results [Latest] 2016 3:06pm A Kish to Remember A Message from Mark Zuckerberg to Philippine users of Facebook Abu dhabi adik [dahil] sa'yo after 15 years after 45 days after 7 years...0307 becomes 0614 agosto para sa pilipino aheks akalain mo yun ako ako ito ako ito 1 ako ito 2 ako ito 3 alaala ng nakalipas albularyo alibata All Saint's Day All Soul's Day alyssa bernal Alyssa Bernal (part 2) an act of love Andrea Corr's State of Independence Anime ano daw? ano na ano sa palagay mo? ang pagbabalik ang panyo ang tunay na siga apila para sa masa aswan (bilang isa) Aurora Award babae babae ka lalaki ako babae sa jeep babalik ka din BabyG back to work Bago ito Bagong Bayani BagongBayani balanse baliktad ba? baliw batas ng tao bidaman Big Job Billy Crawford bilog o tatsulok blogging tips 101 (for pinoy bloggers) bored brick buhay buhay mo buhay ko buhay nating lahat Buhay OFW: Pangarap sa mga Sulok ng Kahon; OFW Buhay sa Dubai (From Writer-Researcher to Toshiba Promoter) Bukang-Liwayway bungo at buto Change is Coming chess Chip Tsao Coleen Garcia college contest Cory Aquino dies couple Crucifixion dalaw dalawang daan siyamnapu't apat na araw day-off Department of Tourism desisyon destinasyon Digong dos Duality Dubai Dupe Tara Lakad Tayo Duterte EASY $5 GIVEAWAY Endorsers??? etiquette etong sa'yo...raygun exam day Exit Eye Test? Malabo na ba ang iyong mata? facebook Facebook (Pesbuk) facebook user FAQ's first time mo? firsttime flesh-eating disease Fliptop Friendship from facebook fun Funny Exam Answers game Game 1 Game 3 Gatorade Gelika Bless gintuang sundang global warming a warning? google payout guro gusto mong mamatay? halimaw hanggang Happy Father's Day happy hatchday Heat vs. Spurs hiatus higante Hikab muli ako. Tunganga History of Super Gulaman Hoi Hoi HyperPanda Babies and others i love this day i love you ibigay ang hilig ikalawang ginto imahinasyon immigration Inang OFW Indian Init Introducing: Ang Anak ni SuperGulaman Iran isang madugong labanan isang malaking pagbabago isang pagbabalik tanaw isang pasasalamat isang sulyap sa kahapon kasalukuyan at hinaharap It's more fun in the Philippines ITCHY jeepney Job Hunting tips juan kalaro kaliwa kanan kalma lang boss kalsadang mabato Kapalaran Ayon sa Galaw ng Kalawakan (Ophiuchus) kape sa tanghali Kapitan Sino? kasinungalingang mapanlinlang katapatan katinuan katinuan...gustong magpakilala katotohanan Kawhi Leonard kisame Kish kulay kuro-kuro sa bayan ni juan laro laro tayo Learning Japanese (for pinoy) lebron james life Life is a Piece of Cake Ligo na U Lapit na Me lilok (complete) lilok 1 lilok 2 lilok: ang pagpapatuloy [1] lilok: ang pagpapatuloy [2] lilok: ang pagpapatuloy [3] lilok: ang pagwawakas limang minuto...3 miskols...ang umaga ni supergulaman Link Exchange and Other Concerns love lunes mag-enjoy kay enjoy magdasal daw twing umaga sabi ng grasya mahika ng mga kulay Makulay na Paglalaro ng mga Salita malungkot masaya mataba payat Manny "Pacman" Pacquiao Vs Antonio Margarito mapalad ka.. ikaw mapalad silang wala sa katinuan mcarthur mensahe mga hindi dapat gawin sa facebook minsan lang mismo Mmm Sarap modelo musika at ganda naaalala mo pa ba? NAIA NAIA' firsttime NBA All Stars VS Smart Gilas (Philippines) NBA Finals NBA Finals 2014 new design Nonito Donaire Knocks Out Fernando Montiel numero OFW ouch our life Pa-digits Digits Pa Kasi pag-uuri Panahon na Naman [ng Pag-ibig?] Pananabik sa Tag-init Pangasinan pangpasaya Para patay na nabuhay peace be w/ you pelikula Philippine Grand Lotto 6/55 Pilipinas Pilipinas: Sa Pagkakakilanlan Pinoy Version of some Hollywood Movies please help praning Prayer in Mathematics Propesiya at Pilipinas Prophecy Proud to be Pinoy punto ko punto mo Puso ng mga Halimaw Puting Damit Rapido Vs Smugglaz real name regalo Reproductive Health Bill REULEAUX TRIANGLE: ROLLING TRIANGLES Rubber Sadhu Sundar Selvaraj salamat salamat kaibigan sampung taon sayang school Selda Uno Dise Otso seryosong usapan showtime Si Mara at Pamela siga o adik silbi simbulo sino ang tamad? Sino si Santa Claus? sintang paaralan Sistema ng Numero Sistema ng Tao skin makati SONA 2011 TRAFFIC RE-ROUTING SCHEME and MORE sorpresa streetfight Stretch Marks subic sulat kamay Sumusungaw na Chatbox Super Super G sa PBB? super G turning super busy Super Gulaman sa Bayan ng mga Arabo (Part 1) Super Gulaman sa Bayan ng mga Arabo (Part 2) supernatural tagapagpalaganap ng pag-ibig tamang trip tamang trip (ikalawang pasabog) Tanong Ko Sagot Mo tanong lang tao tao tao saan ka gawa? tatsulok tayo... The 2010 Oscar Winners The BENEFITS of SEX The Five Love Languages the golden rule the reunion The True Story of Manny "Pacman" Pacquiao thursday time for sale Time Travel Times of Your Life Tingi Culture Toshiba Toshiba Champs Toshiba’s Wet and Wild Adventure in Atlantis Trabaho ba ang hanap mo? Twitter UAE UFC Ulam at Kanin uri ng mundo usapang buhay Usapang ChikenJoy usapang itlog at manok usapang kadiri usapang kadiri (Part 2) wala wala akong medyas wala lang wala naman kaming napala walong palakaibigang adik warm-up when SuperG meets BabyG who are your customers? WiFi Won over Antonio Margarito world peace Zamboanga del Sur