Photo Credit: http://themetroarchive.blogspot.com/ |
Ok, sige tanungin mo si SuperGulaman kung bakit nga ba na dapat ay maging proud ka sa Pinas o bilang isang Pilipino? Para kay SuperGulaman dalawang K lang yan at hindi iyon kayang tumbasan ng kahit na anong materyal na bagay sa mundo. Kultura at Karanasan. Proud to be Pinoy.
Mahigit sa dalawang taon din akong nawala sa Pinas pero hinahanap ko pa din ang agaw-buhay na pagsampa sa rumaragasang jeep. Kahit na sabihin pa na nakasakay na ako sa maayos na pampublikong sasakyan sa bayan ng mga Arabo. Iba pa din ang dating ng pagsampa mo sa jeep. Tila ba na hindi ka lang sumasakay sa isang sasakyan, kundi nakasakay ka sa kultura at sa pag-arangkada nito nandoon ang karanasang hindi mo malilimutan. Trapik, mandurukot, tulo-laway, abot ng bayad, abot ng sukli, 1-2-3, tsansing, at marami pang-iba na sa jeep mo lang malalasap. Dito mo din naranasang magpa-cute sa magandang bebot. Kagaya ng sinabi sa kanta, "nagkandahaba ang kamay sa pag-abot ng sukli". Ito ang isa sa kulturang Pinoy na hindi mo ipagpapalit sa kahit ano man. Mula pagkabata, pagpasok sa eskwela, pagpunta sa trabaho ng masang Pilipino, Jeep ang naging kaakibat sa twina. At naging saksi sa pakikipagsapalaran at pag-unlad ng bawat Juan at Maria ng bansa. Proud to be Pinoy.
Sa Pinas, hindi mo maikukumpara ang trapik, baha, lindol, bagyo, baho ng estero, pulubi sa kanto, Squatter sa tabi ng ilog at riles, walang disiplinang driver, pulis na mahilig sa lagay, mamamayang tumatawid sa bawal tumawid na lansangan, siga sa kanto na walang pang-itaas, lasenggong susuray-suray sa kalsada, bulok na ospital, paaralan, at pampublikong tanggapan, kurap na mga pinuno, mangmang na mag-aaral, at tae ng aso sa kalsada. Kung mapunta ka sa dayuhang bansa, sasabihin ko sayo, hindi mo yan lahat malalasap doon. Pero anong sabi mo sa kabila ng mga nabanggit ko, "Proud to be Pinoy!"
Kung iyo lamang matutunghayan ang mga buhay ng mga maralita sa kalungsuran sa Pinas, malalaman mo din ang halaga ng "kulturang tingi". Tinging kape, tinging asukal, tinging sabon, tinging noodles, tinging mantika, tinging sigarilyo, tinging papel, at halos lahat ng kailangan mo sa araw-araw ay tingi. Sapat lang daw iyon para sa isang kahig-isang tukang si Juan. Matiisin daw. Proud to be Pinoy.
Mahirap nga ba talaga ang tinatawag na "maralita ng kalungsuran"? Oo siguro pero hindi lahat. Subukan mong pumasok sa isang dampa sa ilalim ng tulay. Karamihan sa kanila ay may Television, yung iba meron Karaoke, yung iba may refrigerator, yung iba may washing machine, yung iba mamahalin ang cellphone at yung iba meron din sasakyan at kapag may pagkakataon, ang mall ang paborito nilang puntahan. Yan nga ba ang mahirap? Yan daw ang Pinoy, walang pera kung maturingan pero sa luho magarbo yan. Yan daw ang Pinoy, "show-off". Mayabang. "Proud to be Pinoy."
Dahil sa mga sinabi ko alam ko ang nasa isip mo. Ito yun oh, "Epal ka pala SuperG eh pangit naman pala talaga sa Pinas eh tapos ang yabang pa pala natin."
Alam ko. Pero hindi.
Pero isipin mo na lang (*galing sa joke ng mga stand-up comedians), yung mga pangit na yan kailangan talaga yan. Sila na nga yung nagsakripisyo oh. Kung walang pangit, wala ka ng basehan ng maganda. Pero kidding aside, ito naman talaga ang riyalidad, ito ang mga karanasan na magtuturo sa'yo kung paano pahalagahan ang mga simpleng bagay. Hindi pangit sa Pinas o ang Pinas. Ang buhay sa Pinas ay isang karanasan na magtuturo sa iyo ng halaga ng buhay. Ikaw, anong matutunan mo sa pagsakay sa tahimik at malinis na sasakyan? Wala, dahil sigurado tulog ka nun sa byahe. Anong matutunan mo kung lumalakad ka sa kalsadang walang tae ng aso. Wala. Hindi mo dyan magagamit ang ninja skills mo. Magmumukha ka lang tanga kung kumakandirit ka sa patag at malinis na kalsada. Tama? Ngunit hindi ko din naman sinasabi na ok lang na maging ganito tayo, na ok lang na maging ganyan ang Pilipinas. Aba syempre, iba pa din ang dating kapag ang dating magulo at pangit ay maayos at maganda na ngayon. Wala eh, mayabang tayo.
Hindi lahat ng maganda ay maganda.
Hindi lahat ng pangit ay pangit.
Hindi lahat ng sinasabi ko ay totoo.
Hindi lahat ng sinasabi ko ay kasinungalingan.
Hindi lahat ng tinuturo ko ay tama.
Yung iba dyan joke joke lang. Wala eh, mayabang tayo.
Aba bakit hindi ako magyayabang.
Alam mo ba na ang Pilipinas, ang bayang pinili at pinitas. Bayang pinakatatangi at perlas ng silangan. Bayang minamahal ni Juan at Maria at hulmahan ng kaisipan nila Isko at Iska.
Aba bakit hindi ako magyayabang.
Alam mo ba na ang Pilipinas, ang bayang pinili at pinitas. Bayang pinakatatangi at perlas ng silangan. Bayang minamahal ni Juan at Maria at hulmahan ng kaisipan nila Isko at Iska.
At sina Juan, Maria, Isko at Iska, mga Pilipino. Pilipino, ang lahing pinili at pinino.
Wala eh, mayabang tayo.
Proud to be Pinoy!
#pilipinas
#proudtobepinoy
#bayannijuan
#Filipino
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento