Writer's block. Black and blank. Yan ang pakiramdam ko ngayon. Hindi na ako makapagkwento ng buong sigasig tulad ng dati. Na tila ba lahat ng kakulitan, yabang at angas sa pagsusulat ay lumipas na. Pero siguro nga, lumipas na....
Ang hirap...tatlong oras na ang lumipas ng simulan ko ang talata na nasa itaas at sa hanggang sa sumandaling ito, hinahanap ko pa din ang tema at patutunguhan ng sulating ito at may pangamba na muli ay mahulog sa draft at hindi na mai-publish. Sige lang, hanggang may gana... tipa..tipa... sa laptop na animo'y kalan dahil sa init na binubuga. Tulala...Titig sa webcam window...pinagmamasdan ang pagkisig at galaw ni BabyG mula sa kanyang higaan. Umiyak si BabyG. Saklolo naman ang kanyang lola dala ang inuming gatas. Pambihira ang gatas na ito. Bukod sa kaya nitong patahanin ang palahaw ni BabyG. Para itong alak na nakakalasing at pagkatapos ng pagdighay ay tulog na naman ang batang makulit. Nakakatuwa... Nakakamiss...
Totoo iba na ang mundong ginagalawan ko. Hindi na katulad ng dati at malayo na sa dating gawi. Wala na ang 3 missed calls namin ni WonderG dahil magkasama na kami ngayon. Wala na puyatan sa chat, dahil sabay na kami sa pagtulog. Wala na ang mga gabing pag-alala dahil sa pag-iisa ng bawat isa sapagkat ngayon magkasama na kami tuwina. Ngunit katulad ng karamihan ng mga magulang na nangibang-bansa, nandun pa din ang lungkot, pagka-miss, pangungulila sa anak na iniwan sa sariling bayan at ang tanging panghahawakan nyo ay lakas ng loob at tiwala sa Maykapal na darating din ang panahon na kami'y magkakasama-sama.
Time check. 11:56am. Halos alas-dose na. Hinhinto na muna ako sa pagtipa, dahil mamayang ala-una maliligo na ako para pumasok hindi na katulad ng dati sa opisina kundi sa selling area ng HyperPanda. Kung sisipagin baka bukas ulet at pakikilala ko sa inyo ang bida sa outlet na ito.
Salamat. Para muna. Baka humaba pa. Nakapagod kayang magbasa ng blog entry na sobrang haba.
"Fool the string to stuff"... kailan ko kaya makikita ulet ito.
Para! Dyan lang po sa tabi!
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento