Halos matagal-tagal na din pala ako sa
Pinas. Siguro mga nasa dalawang buwan na din. Ibig sabihin halos
dalawang buwan na din akong walang trabaho. Walang income, walang pera. Gala,
gastos, gastos, gala yan ang tema ko ngayon. Astang mayaman kahit wala
naman. Astang may pera kahit butas na ang bulsa. Sabihin natin na bilang
isang manggagawa sa ibang bansa na hindi naman talaga madali ang umuwi sa Pinas
kung wala ka naman talagang limpak-limpak na salaping naipon. Kung meron mang
kaunti siguradong ubos din yun kahit sabihin pa natin na mas mura pa din ang
bilihin sa Pinas kumpara sa ibang bansa. Pero mura nga ba talaga?
Kung tutuusin ang"tingi"
culture na meron tayo dito
ang siyang dahilan ng hindi kagandahang asal sa paggasta ni Juan.
Halimbawa, marami sa ating mga kababayan ang mas bibili ng tig-5 pisong
pakete ng kape kumpara sa isang pack nito. Bakit? Dahil sa puntong iyon,
yun lang ang meron tayo sa ating bulsa. Hindi lang sa mga gitnang uri ng tao sa
Pinas kundi lalo na sa masang isang kahig, isang tuka. Noon pa man, alam na
natin ang tinging paminta, asin, vetsin na sa paglipas ng panahon ay naging
kultura na. Isang kilong bigas, dalawang stick ng sigarilyo, isang pakete ng
noodles, isang tasang kape, 1/8 na kilo ng asukal, 50 sentimos na kendi, 2
pisong fishball, 5 pisong pasa load, 1 sashet ng shampoo, isang sashet ng
lotion, facial wash, deodorant at ngayon kalahating tasang kanin (half-rice) at
sa susunod magiging batas na daw yan..Wow! Onli in da Pilipins! Ganito
ang kultura sa Pinas, mura ang bilihin sa tinging pamamaraan, yung tipong
makaraos lang ang maghapon. Eh paano naman ang bukas? Syempre tingi
ulit. Kung susumahin, mas malaki ang
magagastos mo sa mga tinging nakonsumo kumpara sa bultong nabili.
Kaya nga hindi na din ako nagtataka sa mga
OFW na nagbabakasyon na sinasabing masyadong mahal na ang bilihin sa Pinas.
Pero kung ako ang tatanungin, hindi naman talaga mahal, ang totoo nyan
napapasarap lang talaga ang iyong paggasta kasi "tingi" nga. Hindi mahal, pero sunod-sunod ang
paggasta.
At sa kadahilanang ganito ang kultura sa
Pinas, ganito din tayo asintahin ng mga kapitalista at mga negosyante. Ang Nestle, Procter & Gamble, Uniliver, SM…
name it. Lahat ng mga yan ay mayaman na dahil sa tinging kultura sa bayan ni
Juan. Pero alam mo ba ang masakit? Ganito din kasi tayo asintahin pulitikong
lalong nagpapahirap sa kawawang Juan de la Cruz. Tinging edukasyon, tinging serbisyo medikal,
tinging serbisyong pampubliko—mga tinging serbisyo na halos dekada na bago
matapos. Mga serbisong kunwari ay totoo, patitikim ka ng kauting sarap. Tikim
pa, hanggang sa mahulog ka. Suhol ng kaunting halaga, yari ka!
Tingi-tingi. Mga kalakarang lumilimas sa
mga nalalabing piso sa palad ni Juan.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento