Lumaktaw sa pangunahing content

Prologue: Paano Maging Bagong Bayani sa GCC?

Marami sa atin ang gustong mag-abroad.  Marami sa atin ang naniniwala na maaaring maging sagot ito upang maitaguyod natin ang ating pamilya. Makipagsapalaran.  Pero sa totoo lang, noong una hindi pumasok sa kukote ko ang mangibang bayan.  Sasabihin ko sa iyo, hindi madali ang magtrabaho sa ibang bansa.  Hindi biro ang maging isang OFW.  Mahirap.  Malungkot. Nakakatakot.  Kung half-hearted ka upang maging OFW, wag ka ng umalis.  Kung napipilitan ka lang, wag mo ng ituloy.  Kung hindi ka sanay mag-isa, malungkot, ma-home sick, at mabuhay na parang bilanggo sa bilangguan walang rehas, dyan ka na lamang sa Pilipinas.  Kung hindi mo kayang layuan ang tukso at maging tapat sa iyong pamilya, hindi ka para dito sa ganitong uri ng buhay.

Paano nga ba maging isang OFW o Overseas Filipino Worker? Maraming paraan, una na rito ang paghahanap ng trabaho mula sa POEA. Oo tama, Philippine Overseas Employment Administration. Maaari din naman na makakuha ng trabaho online, gamit ang kapangyarihan ng internet. O di kaya naman ay sponsorship mula sa mga kamag-anak o kaibigan sa ibang bansa.  Pero bago mo subukan ang mga nabanggit ko aba syempre, ang pinaka-unang hakbang na iyong gagawin ay ang pagkuha ng Passport.   Tapos, kailangan mo din ng VISA para sa tutunguhang bansa.  Ang pagkakaroon ng VISA, ay maaaring mula sa iyo (self-funded), company sponsorship, relative sponsorship, through friends, through fiancee, school at marami pa.

Ang isang tipikal na Pilipinong gustong mangibang bayan at maging OFW ay maaaring dumaan sa napakaraming proseso.  OFW, ibig sabihin aalis ka ng bansa hindi para mag-tour, mamasyal at magliwaliw, kundi para magtrabaho. Kagaya ng nabanggit ko sa itaas, kung magagawa mong makahanap ng trabaho mula sa POEA, mas maganda iyon dahil mas magiging mapanatag ka na lehitimo at rehistrado ang iyong mapapasukan. Ngunit sa kadahilanang napakaraming proseso ang kailangan gawin upang maging ganap na isang OFW, mas pinipili ng karamihan na dumaan sa ibang pinto.  Ibig sabihin, magpapanggap na turista at pagdating sa destinasyong bansa ay doon na sisimulang maghanap ng trabaho at maging OFW. Mas pinipili ng karamihan ang ganitong paraan dahil ito ang mas madali.  Isipin mo na lang, kung mag-a-apply ka sa POEA, kakailanganin mo ng napakaraming dokumento, NBI Clearance, Birth Certificate, Employment Certificate, Barangay Clearance, Diploma, TESDA, at marami pang iba.  Wala pa dyan ang mabusising medical examination at PDOS. Isama pa natin ang madugo-dugong pagpili ng trabahong makukuha at paghintay sa pagproseso ng ticket at VISA.  Malas na lang din at minsan illegal recruiter pa ang makukuha. 

Sa mga paliparan sa Pilipinas lalo sa NAIA, hindi natin maitatanggi na marami ang umaalis na Tourist o Visit Visa ang gamit.  At 80% ng mga nasa ganitong Visa partikular na din na ang destinasyon ay GCC countries kabilang ang Dubai ay hindi naman lehitimong mga turista.  Dahil sa simula pa man, ang kanilang pakay ay magtrabaho sa patutunguhang bansa.  Sigurado naman akong alam na alam ito ng pamunuan ng immigration.  Kaya nga nakapagtataka kung bakit nandoon pa sila upang mag-off load ng mga pasahero.  Alam din naman nila na mas pinipili ng iba ang ganitong proseso dahil sa Agency System ng Pinas.  Ibig sabihin hindi ka pwedeng basta-bastang bigyan ng Visa ng employer na makuha mo abroad kung hindi ka dadaan sa Agency habang nasa Pinas ka. Anyway, sabihin na nga lang natin na ginagawa nila ito para maiwasan ang lumalaking bilang ng pang-aabuso sa mga Pinoy, Filipino runaways, sexworkers at TNTs o mga kaso ng Human Trafficking sa ibang bansa kaya pagbiyan na lang din natin sila.  At kung sakali naman na may mga ganitong kaso may Agency silang hahabulin at hindi ang employer abroad na wala silang jurisdiction. Ganito na lang, kung gusto mo talagang umalis sa pamamagitan ng Tourist o Visit Visa, siguraduhin na may kamag-anak/kaibigan ka sa bansang patutunguhan na hindi ka pababayaan.  

At yun na nga, naisipan mo ng iwan pansamatala o pansamantagal ang bansang Pilipinas.  Maaaring gusto mo munang mag-tour, manirahan, o magtrabaho sa ibang bansa.  At sa kasalukuyan ay kaharap mo na ang pinutuan ng NAIA Terminal 1, 2 o 3. Kung first time mo ang pag-byahe sa ibang bansa partikular sa Dubai,  aba matutulungan kita dyan.  Kung gusto mong makalusot ng 100% sa Immigration Officer na Visit o Tourist VISA ang gamit, aba sagot din kita dyan.  Bibigyan din kita ng tips sa paghahanap ng trabaho sa UAE.  Pindot lang po sa mga links sa baba:

1.  NAIA Terminal 101 for First Timers Flying in Dubai:  Lipad na Super Inggo
2.  How to Pass the Immigration and Avoid Getting Offloaded: Lumusot sa mga Lulusutan
3.  Job Hunting Tips and More in UAE:  Trabaho sa Disyerto


(Disclaimer: Ang mga nabanggit sa itaas ay "for information dissimenation only". The views and opinions expressed are my personal experiences, views and opinions. The information contained in this entry is for general information purposes only. The information provided does not make representations or warranties of any kind, express or implied, about the completeness, accuracy, reliability, suitability with respect to the information contained on the entry for any purpose. Any reliance you place on such information is therefore strictly at your own risk.)

#OFW
#BagongBayani
#NAIA
#firsttime
#immigration

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

...Jeepney...

...sarao, mega, armak, malagueña, hebron, at marinel...pamilyar? ...oo, tama mga kilalang pangalan yan sa produksyon ng mga jeepney na pumapasada sa kalakhang Maynila at iba't ibang dako ng Pilipinas...hindi ko nga lang alam kung patuloy pa din ang kanilang pananatili sa merkado... matapos tumumal ang paggamit ng kalesa na syang dating simbulo ng transportasyon ng Pilipinas, naging kultura na nga pilipino ang paggamit ng jeepney... ang mga dating kutsero ay nagsimula ng mag-aral ng pagmamaneho ng jeep at dahil sa may mga pagkakataon na namimiss nila ang kanilang mga kabayo na idinoneyt sa Sta. Ana at San Lazaro, naglagay na lang sila ng pigura ng mga kabayo sa unahan ng jeep...totoo, masyadong senti ang mga Pilipino pagdating sa mga bagay na nakasanayan na... hindi nya ito agad binibitawan hanggang matutunang iayon ang sarili sa dapat nyang malaman... matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig at paglisan ng mga Amerikano sa bansa...ang tira-tirang Jeep na ginamit sa digmaan ay mu...

..regalo...

Paalala: ooooppssss...bago po tayo magbasa, paki-play muna ang youtube video sa gilid, para may background tayong musika... ...kanina pa ako nakaharap sa monitor ng computer ko...nag-iisip kung ano ang maaari kong maibahagi sa inyo...gusto kong sanang ikwento ang pakikipaglaban ng mga espesyal na numero na nasa utak ko, ito ang mga numerong itinago sa kaaramihan ng tao, mga numerong pinalayas sa mundo at siniksik sa maliliit na espasyo...ngunit tila ba hindi ito angkop sa panahon na ngayon, hindi matalo ng utak ang bugso ng damdamin ko...tila ba umaayon ito sa araw ng mga puso...hindi ko alam baka sa ibang araw ko na lang sila maipagsigawan...ang sabi ng puso ko...ito ang i-blog mo... ang themesong nang buhay mo...ha? themesong...wala ako nun...kahit kami ni Grasya walang themesong eh... hindi ito bola...hindi stir...limang taon na kami pero themesong wala kami...mahilig ako sa musika...rnb, pop, love songs, blue songs, alternative, rap, rock, emo, country songs, noise ...o kahit ano.....

Bawal Basahin ang Nakasulat Dito

"Bugtong-bugtong. Hindi tao, hindi hayop, wala ka nito, wala din ako, wala ang bawat Pilipino, ano ito?" Sagot: Disiplina Ano nga ba ang disiplina? O mas maganda tanungin natin ang mga Pilipino.  Pero kahit anong hagilap nito, hindi ito makikita dahil wala ito sa bokabularyo ng Pilipino.  Aminin man natin o hindi, isa tayo sa madaming lahi sa buong mundo na wala nito. Kung sa ranking na 1-10 at 10 ang pinakamataas, malamang sa malamang ay 10.5 tayo sa kawalan ng disiplina.  Hindi ko naman sinasabi na lahat ng Pilipino ay ganito ngunit ito ang katotohanang hindi natin maitatanggi.  Maraming problema sa Pilipinas tulad ng basura sa estero, ilog at dagat, traffic sa lansanggan, mga taong walang trabaho, mabagal na proseso sa mga opisina pampubliko man o pribado, droga, korapsyon, prostitusyon, tsimosa sa kalye o social media, teenage pregnancy, squatter sa mga kalunsuran, sugal, babaero na hindi naman gwapo, mga siga sa kalye, rapist, lasenggero, holdaper, ...